Uunahing bigyan ng license cards ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na magtatrabaho bilang driver sa ibang bansa.
Sa Laging Handa public brefing, sinabi ni Land Transportation Office (LTO) Officer-in-Charge Asec. Hector Villacorta na may natitira pang 53,000 mga license card batay sa pinakahuling inventory.
Napagkasunduan aniya nila ng mga regional director na ibigay ito sa mga OFW na ang magiging trabaho sa ibang bansa ay driver.
Posible raw kasing hindi tanggapin ang papel na lisensya ng ibang bansa gaya sa Saudi.
Sa ngayon ayon kay Villacorta, nakatutok ang LTO sa kung paano mapapabilis ang bidding at delivery ng mga bagong license card at plaka ng mga motorsiklo kasama ang pribadong sektor.
Kinausap na rin daw ng LTO ang mga police officer sa kalsada na tanggapin pa rin ang mga expired license cards ng mga motorista hanggang sa October 31, 2023 habang kulang pa ang mga license cards at plaka na ibinibigay ng LTO.