Mga militanteng grupo, nakahanda na sa pag-alala ng ika-50 taon ng pagdeklara ng Martial Law ngayong araw

Nakahanda na ang mga visual artists mula sa iba’t ibang grupo para sa pag-alala ng ika-50 anibersaryo sa pagdeklara ng Martial Law sa bansa ngayong araw.

Kaungay rito ay ibinunyag na sa publiko ang mural na pinamagatang “Kalahating Siglo ng Daluyong” na nagpapakita ng mukha ng pamilya Marcos at ang mga tumuligsa laban sa Martial Law.

Tampok din sa mural na kinomisyon ng progresibong grupo na BAYAN ang mga artista na tumindig laban sa diktadurya ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.


Maliban sa BAYAN ay kani-kaniya ring piyesang nakahanda ang Kilusang Mayo Uno (KMU), Karapatan at Kalikasan na ipapakita sa pagtitipon nila sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City ngayong araw.

Noong September 21, 1972 ay pormal na dineklara ng dating pangulo ang Martial Law sa Pilipinas at batay sa datos ng global human rights watchdog na Amnesty International ay tinatayang nasa 100,000 katao ang naging biktima ng martial law kung saan 3,000 ang pinatay, 34,000 ang tinorture at 70,000 ang naaresto.

Ayon naman sa Stolen Asset Recovery Report ng World Bank-United Nations Office on Drugs and Crime, tintayang nasa lima hanggang sampung bilyong dolyar o aabot ng kalahating trilyong piso ang halaga ng ill-gotten wealth ng pamilya Marcos sa loob ng mahigit dalawang dekada nitong pamamalakad sa bansa.

Facebook Comments