
Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na bibili pa ang bansa ng karagdagang kagamitan at weapon systems mula India.
Ayon kay Brawner, bukod sa dekalidad ang mga produkto mula sa India, mas abot-kaya rin ang mga ito kumpara sa mga gamit mula sa ibang bansa.
Hindi naman na idinetalye pa ni Brawner kung anong mga kagamitan ang binili ng bansa dahil sa isyung pangseguridad.
Ngunit kinumpirma nitong darating sa mga susunod na taon ang dalawang sets ng BrahMos cruise missile.
Matatandaang nilagdaan ni dating Defense Secretary Delfin Lorenzana at BrahMos Aerospace Director General Atul Dinkar Rane ang kontrata para sa tatlong battery ng BrahMos cruise missiles na nagkakahalaga ng P18.9 bilyon noong Jan 2022.
Karaniwang binubuo ang isang missile battery ng tatlo hanggang anim na launchers, kasama ang monitoring, tracking systems, at support vehicles.
Nai-deliver na ang unang batch noong Abril ng nakaraang taon, ngunit hanggang ngayon ay wala pang opisyal na update mula sa Department of National Defense (DND) o AFP tungkol sa estado nito.
Samantala, nasa India si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hanggang sa Aug. 8, 2025 para sa kanyang State Visit.









