Mga minimum wage earner sa CAR at MIMAROPA, may dagdag-sahod bago ang Pasko

 

Inaprubahan na ng National Wages and Productivity Commission ang dagdag-sahod ng mga manggagawa sa Cordillera Administrative Region (CAR) at MIMAROPA.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), tataas ng ₱40 ang arawang sahod ng mga manggagawang kumikita ng minimum wage sa Cordillera.

Ibig sabihin nito, nasa ₱470 na mula sa ₱430 ang minimum wage sa rehiyon.


Aprubado na rin ang ₱1,100 na monthly increase sa sahod ng mga kasambahay kung kaya’t aabot na ngayon sa ₱6,000 ang buwanang minimum wage mula sa ₱4,900.

Epektibo ang umento sa sahod sa bisperas ng Pasko o December 24, 15 na araw matapos itong pormal na ilathala.

Samantala, mula naman sa ₱395 ay ₱430 na ang minimum wage ng mga manggagawa sa MIMAROPA.

Batay sa Wage Order, tinaasan ng ₱35 ang arawang sahod ng minimum wage earners at ₱1,000 naman ang dagdag para sa buwanang sahod ng mga kasambahay.

Iiral ang bagong wage order sa December 22.

Ayon sa NWPC, nasa halos 75,000 minimum wage earners sa dalawang rehiyon ang inaasahang makikinabang sa ipapatupad na umento sa sahod.

Facebook Comments