Mga miyembro ng bicam, ikinumpara sa “magnanakaw sa gabi” dahil sa paglusot ng buong pondo ng NTF-ELCAC sa ilalim ng 2023 budget

Binatikos ni Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas ang pagbalik sa orihinal na P10 billion na pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa ilalim ng 2023 national budget.

Bunsod nito ay inihalintulad ni Brosas sa “magnanakaw sa gabi” ang mga kinatawan ng Senado at Kamara na miyembro ng Bicameral Conference Committee na nag-apruba sa 2023 budget.

Diin ni Brosas, P5 billion lamang ang inaprubahan ng Kamara na pondo ng NTF-ELCAC subalit pagdating sa bicam ay ibinalik ang tinapyas na pondo.


Punto ni Brosas, ano pang saysay ng pagbusisi sa budget ng bawat ahensya kung pagdating sa bicameral conference committee ay papalitan din ito ayon sa kagustuhan ng iilan.

Malaking kwestyon kay Brosas na NTF-ELCAC pa ang pinondohan ng ₱10 bilyon gayong marami sa mga Pilipino ay baon na baon na sa kahirapan dahil sa kawalan ng ayuda at maliit na pasahod.

Facebook Comments