Nakukulangan ang ilang mga miyembro ng Commission on Appointments sa mga sagot ni Environment and Natural Resources Secretary Gina Lopez sa mga oppositor nito.
Ayon kay Senator Panfilo Lacson, hindi “convincing” ang mga paliwanag ni Lopez sa mga tumututol sa kanyang appointment.
Sana lang aniya ay hindi mangyari kay Lopez ang nangyari kay dating Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay na hindi nagsabi ng buong katotohanan sa CA kaya tuluyang na-reject.
Para naman kay Senator Manny Pacquiao, dapat diretso ang pagsagot ni Lopez sa mga oppositor.
Pero kinampihan naman ni Senator Loren Legarda ang ilang depensa ng kalihim ukol sa kalayaan nitong pumili ng mga tauhan sa ahensya.
Samantala, nilinaw naman ni Lopez na hindi siya nakikipag-away sa mining companies.
Aniya, bagaman madalas siyang maging emosyonal pero lahat ng kanyang mga hakbangin ay alinsunod sa batas.
Paliwanag pa nito, naniniwala siyang hindi dapat sirain ang mga resources na kinakailangan para sa susunod na henerasyon.
Sa ngayon, halos 20 pa ang oppositor na nais magsalita sa CA para harangin ang appointment ni Lopez.
Facebook Comments