Muling hinikayat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na kusang sumuko at tangkilikin ang mga programa ng pamahalaan.
Kasunod ito ng pagbabalik-loob ng sampu nilang mga miyembro kasabay ng pagsuko ng kanilang mga armas.
Ayon kay Police Brig. Gen. Jonnel Estomo, acting regional director ng NCRPO, ilan sa mga kusang sumuko ay pawang mga miyembro ng CPP-NPA sa Bicol Region.
Matatandaan na isinuko ng mga rebeldeng nagbalik-loob ang kanilang mga armas tulad ng isang rifle na may apat na rounds ng grenade launchers; isang sumpak na may 18 rounds ng 12-gauge shotgun ammo; dalawang shotgun na may 36 rounds ng 12-gauge shotgun ammo; at dalawang 38 caliber revolver na may 2 bala.
Mainit namang tinanggap ni Estomo ang mga rebeldeng nagbalik-loob.
Ang pagsuko ng mga nasabing CPP-NPA ay sa ilalim ng programang S.A.F.E NCRPO kung saan nagkusa ang mga ito matapos na maloko ng masamang paniniwala sa mahabang panahon.
Muling iginiit ni Estomo na handa ang kapulisan at pamahalaan na tulungan ang mga kababayan natin na nahikayat ng CPP-NPA kung nais nilang sumuko at magbagong-buhay.