Aminado ang mga miyembro ng foreign chamber of commerce na may pag-aalinlangan sila sa isinusulong na pag-amyenda sa Konstitusyon.
Sa pagdinig ng subcommittee patungkol sa Resolution of Both Houses No. 6, sinabi ni European Chamber of Commerce of the Philippines (ECCP) Executive Director Florian Gottein na naghayag ang kanilang mga miyembro ng agam-agam kaugnay sa pag-amyenda ng economic provisions.
Sinabi naman ni ECCP President Paulo Duarte na sa 100 percent investments sa South East Asia, 4 percent lang dito ang mula sa Pilipinas at kinakailangang kumilos at magtulungan na upang maitaas ang bilang na ito.
Iginiit naman ng mga miyembro ng foreign chamber of commerce na bagama’t ang isinusulong na alisin ang economic restrictions ay usapin ng mga Pilipino, suportado naman nila ang mga hakbang ng bansa para maging maluwag ang Pilipinas sa pagpapasok ng foreign direct investments.
Ipinunto rito ni Canadian Chamber of Commerce of the Philippines President Julian Payne na batid nila na karamihan ng national economies ay pinoprotektahan sa pamamagitan ng legislation o paggawa ng batas o executive action at hindi sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Konstitusyon.