Nagkasundo ang mga senador na magconvene bilang committee of the whole para magsagawa ng pagdinig simula sa Lunes ukol sa estado ng pagtugon ng pamahalaan sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Alinsunod ito sa naging mungkahi ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na ang layunin ay makatulong ang senado sa pagresolba sa mga isyu at problemang may kaugnayan sa krisis ngayon.
Sa pagdinig ay ipapatawag ang mga taga Inter-Agency Task Force at miyembro ng gabinete kabilang ang mga kalihim ng Department of Finance, Budget and Management, Interior and Local Government, Social Welfare and Development, Agriculture, at National Economic and Development Authority.
Si Senate President Vicente Sotto III ang tatayong chairman at gagawa ng committee report.
Hybrid din ang gagawing pagdinig na kung saan papayagan sa pamamagitan ng video conference ang paglahok ng mga cabinet members.
Binigyang diin naman ni SP Sotto, na hindi ito nangangahulugan na hindi sila kuntento sa weekly report na isinusumite ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso.
Paliwanag ni Sotto, marami lang silang katanungan sa ginagawa at pinaplano ng gobyerno para maproteksyunan ang kaligtasan ng kalusugan ng publiko at ekonomiya ng bansa.