Mga miyembro ng gabinete, hindi na pinadadalo sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa pag-aresto kay FPRRD

Kinumpirma ni Senator Imee Marcos na nakatanggap siya ng liham mula sa Palasyo ng Malacañang kung saan ipinaabot sa kanya na hindi dadalo ang mga inimbitahang cabinet members sa pagdinig sa April 3 patungkol sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Sen. Marcos, ang liham ay mula kay Executive Secretary Lucas Bersamin at nakasaad dito na hindi na haharap ang ehekutibo sa pagdinig kung saan kabilang sa dahilan ng hindi pagdalo ay ang paggiit ng executive privilege at subjudice rule dahil may nakabinbing kaso na sa korte.

Muling binigyang-diin ni Sen. Marcos kay Bersamin na hindi maituturing na blanket privilege sa lahat ng topic sa pagdinig ang executive privilege at ito ay mai-a-apply lamang sa bawat tanong na ibabato sa cabinet member.


Naguguluhan din ang senadora dahil sinabi ng kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos na hindi pahihintuin ang pagdinig ngunit napakaliwanag sa sulat na bawal at hindi dadalo ang mga miyembro ng executive.

Iginiit ng mambabatas na bitin ang naunang pagdinig at napakarami pang katanungan at hindi nagtutugmang mga impormasyon na dapat mabigyang linaw at pagkakataon sana ito para sagutin ng gobyerno.

Sa ngayon ay wala pang nagkukumpirma kay Sen. Marcos na Chairperson ng Committee on Foreign Relations kung sino ang makakadalo sa pagdinig na gaganapin sa Huwebes.

Facebook Comments