Saturday, April 4, 2026

Mga miyembro ng gabinete, inatasan ni PBBM na magtungo sa Cebu para alamin ang sitwasyon at pangangailangan ng mga biktima ng lindol

Inatasan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ang mga miyembro ng gabinete para magtungo o magpadala ng tao sa Cebu upang alamin ang pinsala ng lindol at ang tulong na kailangan ng mga biktima.

Sinabi ito ni Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez na nagtungo sa House of Representatives para sa pagsalang sa deliberasyon sa plenaryo ng Kamara ng 2026 budget ng PCO.

Ayon kay Gomez, agad namang umaksyon ang mga ahensiya ng gobyerno tulad ng Office of the Civil Defense (OCD) at Bureau of Fire and Protection (BFP) para tumulong sa rescue and relief operations.

Binanggit ni Gomez na mahigpit ding tinitiyak ng Philippine National Police (PNP) ang peace and order sa mga lugar na apektado ng lindol upang matiyak na walang makakapagsamantala sa sitwasyon.

Sabi ni Gomez, nagpadala na rin ng dagdag na healthworkers ang Department of Health (DOH) habang tinitiyak naman ng Department of Energy (DOE) na maibabalik agad ang naputol na suplay ng kuryente sa mga lugar na nilindol.

Binanggit ni Gomez, naglagay din ng price freeze ang DOE sa basic petroleum products tulad ng kerosene at LPG habang ang Department of Trade and Industry (DTI) naman ay nagpatupad din ng price freeze sa mga pangunahing bilihin.

Diin ni Gomez, si Pangulong Marcos ay patuloy na nakabantay sa nangyari at agad na nagbibigay ng kailangang deriktiba.

Facebook Comments