
Magpapatuloy ngayong araw ang pagtalakay ng House Justice Committee sa dalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte upang tukuyin kung sufficient in substance ang mga ito.
Kaugnay nito ay umaapela si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon sa mga kasamahang miyembro ng komite na pagtuunan na lamang ng pansin ang mga nakasaad sa reklamo laban kay VP Duterte.
Kabilang sa laman ng mga impeachment complaints laban kay VP Sara ang umano’y maling paggamit sa confidential funds, pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kwestyonableng deklarasyon sa Statements of Assets, Liabilities and Networth o SALN at mga akusasyon ni Ramil Madriaga.
Ang pakiusap ni Ridon ay kasunod ng manifestation kahapon ni Quezon City Rep. Bong Suntay ukol sa alegasyon na ilang mga kongresista ang tumanggap umano ng maleta o envelope na may lamang pera mula kay dating congressman Zaldy Co.
Umaasa naman ang chairperson ng komite na si Batangas Rep. Gerville Luistro na mas bibilis ang pagtalakay sa dalawang impeachment complaints laban sa bise president makaraang mabawasan ito mula sa dating apat.










