Manila, Philippines – Mainit ang naging pagtanggap ng lokal na pamahalaan ng siyudad ng Dapitan sa pangunguna ni Dapitan City Mayor Rosalina Jalosjos at Zamboanga Del Norte 1st District Congressman Seth Frederick “Bullet” Jalosjos kasama ang mga opisyal ng Philippine Ports Authority (PPA) Dapitan sa aabot 30 mga miyembro ng House of Representatives of the Philippines na pinangungunahan ni Congressman Pantaleon D. Alvarez, Speaker of the House, na kasalukuyang nagsagawa ng Western Mindanao Nautical Highway visit kung saan isa ang Dapitan sa kanilang destinasyon.
Ang mga Kongresista ay lulan ng roro vessel na bumibiyahe mula Dumaguete patungong Dapitan kung saan dala nila ang modernong bus ng kongresso at isa pang bus ng Philtranco, at iba pang pribadong sasakyan.
Nagsimula ang biyahe ng mga kongresista noong March 17 ng taong ito sa pamamagitan ng roro vessel mula Batangas-Calapan, Caticlan-Iloilo, Bacolod-Dumaguete at Dapitan.
Layunin nito na makita personal ang sitwasyon ng mga daungan sa bansa nang sa ganoon ito ay mabigyan ng ayudang pinansyal kung ano man ang kakulangan nito.
Tumuloy ang mga kongresista sa kanilang isinagawang Western Mindanao Nautical Highway Visit patungong Cagayan De Oro, Malaybalay Bukidnon, Davao City at General Santos.
Nagpasalamat naman si Congressman Jalosjos at Mayor Jalosjos sa nasabing aktibidad dahil malaki ang tyansa na mabigyan ng tulong ang siyudad sa pamahalaang nasyunal.