Mga miyembro ng ICI, nanlumo sa mga natuklasan sa isinagawang inspeksyon sa maanomalyang flood control projects sa QC

Ininspeksyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang apat sa pitong flood control project sa Quezon City na natuklasang ghost project at substandard batay sa ginawang pagsusuri mismo ng Quezon City local government unit.

Isinumite na ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa ICI ang mga dokumento at impormasyon hinggil sa resulta nang ginawang imbestigasyon ng QC LGU tungkol sa maanomalyang flood Control projects sa lungsod.

Unang ininspeksyon ng ICI ang Culiat Creek Flood Mitigating Project na ginastusan ng ₱48 million sa Project 6 sa District 1, Quezon City. Nakatiwang lang ito at sira ang river wall.

Sunod na ininspeksyon ang Matalahib Creek Pump Station sa Barangay Talayan na ginastusan ng ₱95 million at nai-award sa St. Timothy Construction, kung saan nagtayo ng pumping station sa ibabaw ng creek na labag sa water at building code.

Ikatlong ininspeksyon ng ICI ang drainage system sa Barangay Tatalon, Quezon City.

Batay sa ulat ng QC LGU, mahigit ₱48 milyon ang inilaang pondo para sa rehabilitasyon ng drainage system sa lugar pero sa isinagawang inspeksyon, lumabas na walang aktwal na rehabilitasyong ginawa at pininturahan lamang umano ang drainage.

At ang ikaapat na ininspeksyon ay ang San Juan River Phase 8 sa kabuuang Phase 92 na may pondong mahigit ₱141 milyon sa Barangay Tatalon.

Ayon kay ICI member Rogelio Singson, na nakapagtataka umano na ang proyekto ay umabot ng Phase 92. Kapansin-pansin din na mas lumiit pa ang river wall kumpara sa orihinal na nakatayo rito.

Nanlumo naman ni Commissions Special Adviser and Investigator Mayor Benjamin Magalong sa kaniyang mga nakita kanina sa inspection.

Sa datos ng Quezon City local government unit, nasa 35 sa kabuuang 331 na flood control projects ang hindi mahanap sa lungsod.

Facebook Comments