Mga miyembro ng MILF, nagkainitan habang naglalaro ng basketball; 2 patay, 2 sugatan

North Cotabato, Philippines – Hanggang sa ngayon ay patuloy pa ring pinaghahanap ang suspek na responsable sa pagbaril at pagpatay sa dalawang kasapi ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.

Nagkainitan ang biktima at ang suspek habang naglalaro ng basketball sa Barangay Gokotan sa bayan ng Pikit, North Cotabato alas-5:00 ng hapon, kamakalawa.

Kinilala ang mga nasawi na sina Ismael Muhamadali alias Tango-Tango, 32-anyos, may asawa at magsasaka; at si Mamaila Undlayan, 34-anyos, na kapwa residente ng nasabing lugar. Sugatan naman ang isang alias Jamel.


Ang tatlo ay miyembro ng MILF sa ilalim ng pamumuno ni Kumander Karim Dubua alyas Midnight.

Kinilala naman ang mga suspek na sina Macabuat Tambungalan alyas Isko na sugatan at Manguda Tambungalan na kasapi din ng MILF na pinamumunuan naman ni Kumander Abdulmaula Masibpal alyas Aratok.

Batay sa ulat na nakarating kay Police Chief Inspector Romy Castanares, hepe ng Pikit-PNP.

Nagkainitan umano ang suspek at biktima at humantong sa barilin kung saan napatay ang dalawang biktima.

Gumanti naman ng putok ang kamang-anak ng mga biktima dahilan para masugatan ang suspek na si Macabuat Tambungalan.

Nagawa naman ng dalawang mga suspek na makatakas.

Nakikipag-ugnayan na ngayon ang Pikit-PNP sa pamunuan ng MILF para sa agarang pagkaka-aresto sa dalawang mga suspek.

Facebook Comments