Mga miyembro ng PhilHealth, maaari nang maka-avail ng ₱20-K na halaga ng libreng gamot kada taon sa ilalim ng “PhilHealth GAMOT”

Inilunsad na ng PhilHealth sa buong bansa ang pinalawak na PhilHealth GAMOT o ang (Guaranteed and Accessible Medication for Outpatient Treatment) sa ilalim ng PhilHealth YAKAP Program.

Dito, maaaring makatanggap ng libreng outpatient na gamot na hanggang P20,000 kada taon ang bawat miyembrong kwalipikado sa naturang programa.

Layunin nitong tugunan ang inisyatiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas abot-kaya at mas accessible ang kalusugan para sa bawat Pilipino.

Sakop nito ang 75 uri ng mga gamot para sa, impeksyon (anti-microbial), hika at COPD, diabetes, mataas na kolesterol, altapresyon at sakit sa puso.

Ibig sabihin, walang kailangang bayaran para sa sakop na mga gamot basta siguruhin laman na nakarehistro sa iyong napiling PhilHealth YAKAP Clinic, magpa-konsulta sa primary care physician para sa medical assessment, kumuha ng reseta na may Unique Prescription Security Code (UPSC) at ipakita ang reseta at isang valid na government ID sa alinmang accredited GAMOT Facility.

Narito naman ang mga accredited na “GAMOT” facilities, kabilang na ang
• Vidacure – Muntinlupa at Quezon City;
• Pharma Gen Ventures Corp, Generika Drugstore sa Parañaque, Navotas, Quezon City, Taguig;
• CGD Medical Depot Inc. sa Vertis North; at
• Chinese General Hospital

Una nang sinabi ng PhilHealth na kanilang palalawakin ang kanilang network upang mas maraming pasilidad ang maging kabahagi ng programa, lalo na sa National Capital Region (NCR).

Facebook Comments