
Isinusulong ni Senator Risa Hontiveros na ipagbawal ang mga myembro ng political dynasty at mga contractor sa proyekto ng gobyerno na maging Party-list Representative.
Sa Senate Bill 1656 na inihain ni Hontiveros, iginiit niya na huwag gamitin sa mga raket ng mga political dynasty at mga contractors ang party-list system.
Sa ilalim ng Party-List System Act, pagbabawalan ang political dynasties sa pakikilahok sa party-list system at ipagbabawal din ang mga party-list nominees at representatives na may interest sa mga government contracts.
Maliban dito, hindi na rin papayagan ang pagrehistro bilang party-list organization na gagamit ng mga pangalan tulad ng radio o tv program, ng ayuda o government assistance programs at mga pangalan ng public official o celebrities.
Bawal na rin kung ang grupo ay para sa isang relihiyon o sekta at kapag pinopondohan ng gobyerno.
Paliwanag ni Hontiveros, layon ng panukala na maibalik ang tunay na intensyon ng party-list system at maprotektahan ito mula sa pangaabuso at magarantiya na ang marginalized sector ang may tunay na tinig sa Kongreso.









