Nagkahawaan ng coronavirus disease o COVID-19 ang mga miyembro ng isang simbahang Protestante sa South Korea matapos ang misa kung saan inispray-an ang bawat isa ng tubig-alat sa bibig.
Naniniwala ang awtoridad sa Gyeonggi Province na ang saltwater spray na ginamit sa mga tagasunod ng River of Grace Community Church ang sanhi ng pagkalat ng virus, ayon sa Yonhap News Agency.
Inilabas din ang surveillance footage na nagpapakita ng paggamit ng mga lider ng simbahan sa spray, na magsisilbi raw sanang disinfectant, sa misa noong Marso 1 at 8.
Sa 135 miyembrong sinuri, 46 ang nagpositibo sa COVID-19 kabilang ang pastor at kanyang asawa.
Nauna nang hinimok ng gobernador sa Gyeonggi ang mga religious organization na gawin munang online ang misa upang makatulong sa pagpigil ng pagkalat ng sakit, ngunit hindi natinag ang nasabing simbahan.
Kasunod ng hawaan, isinara ang simbahan noong nakaraang Lunes at sinabi ng pastor na plano niyang magretiro dahil sa nangyari.
“I feel deeply sorry about what has happened. I will take all the blame and responsibility,” aniya.