Mga miyembro ng Socorro Bayanihan Services Inc., itinuturing na informal settlers sa Sitio Kapihan batay sa ulat ng DENR sa Senado

Lumalabas na informal settlers sa Sitio Kapihan sa Socorro, Surigao del Norte ang mga myembro ng Socorro Bayanihan Services Inc., (SBSI) na pinamumunuan ni Jay Rence Quilario o Senior Agila.

Sa pagdinig sa 2024 budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sinabi ni Environment Usec. Joselin Marcus Fragada na sa mahigit tatlong libong populasyon ng SBSI sa Sitio Kapihan, 174 lang ang tenured migrant na pinayagang tumira at magtanim sa lugar sa ilalim ng kasunduan na Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA).

Pero sa set ng mga officer ng SBSI na binigyan o inawardan sa ilalim ng kasunduan, isa na lang ang naiwang tenured migrant sa Sitio Kapihan.


Marami aniya sa mga tenured migrants ay pumanaw na o kaya naman ay kumalas na sa SBSI at umalis na sa lugar.

Kahit aniya sina Senyor Agila at mga myembro na naninirahan ngayon doon sa Sitio Kapihan ay hindi kabilang sa ginawaran ng kasunduan.

Ini-report din ng DENR sa Senado ang maraming paglabag ng SBSI sa PACBRMA kabilang ang paglalagay ng checkpoints, access roads, volleyball court, wave pool, recording studio at pati radio station.

Iginiit naman ni Senator Cynthia Villar sa DENR na dapat paalisin na ang grupo sa nasabing protected area dahil iligal na ang pananatili nila sa Sitio Kapihan bukod pa sa wala na rin namang tenured migrant doon.

Sa ngayon ay hinihintay pa ang desisyon dito ng binuong Inter-Agency at hinahanapan na rin ng relocation ang mga miyembro ng SBSI.

Facebook Comments