Umaapela ang mga miyembro ng Cooperative Transport Service Corporation (CTSC) sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na payagan na silang makabiyahe dahil mga moderno o bago naman ang kanilang mga minamanehong jeep, bukod pa sa nasunod naman nila ang mga requirements ng LTFRB.
Ayon kay CTSC General Manager Deltha Bernardo, nahihirapan na umano ang mga pasahero na makahanap ng alternabong masasakyan patungo sa kani-kanilang pinapasukang trabaho dahil hindi umano sapat ang libreng sakay ng mga lokal na pamahalaan.
Dagdag pa ni Bernardo na ang mga modernong jeep na pinatatakbo ng CTSC ay malaking tulong umano para sa mga manggagawang pumapasok sa trabaho patungo sa Lungsod ng Quezon.
Matatandaang bukod sa modernong jeep, kasama sa panuntunan ng LTFRB na dapat ay may social distancing ang mga pasahero, kukunin ang mga pangalan, telephone number at tirahan upang matiyak na madali silang mahahanap sakaling isa sa kanila ang may COVID-19.