Hinihikayat ngayon ng Joint Task Force COVID Shield ang mga motorcycle rider na sundin ang dalawang barrier design na inaprubahan ng National Task Force Against COVID-19 para makaiwas sa disgrasya.
Ayon kay JTF COVID Shield Commander Lt. General Guillermo Eleazar, ginawa nila ang paghikayat matapos na mabasa sa social media ang mga post kung saan isinisi sa requirement na barrier ng gobyerno ng mga nagmomotorsiklo ang sunud-sunod na aksidente sa motor.
Paliwanag ni Eleazar, dapat na mahigpit na sundin ng mga nagmomotorsiklo ang barrier design na Bohol prototype at ang Angkas design.
Sinabi pa ni Eleazar na bago naman inaprubahan ng NTF Against COVID Shield ang dalawang design ay tiniyak nilang ligtas sa aksidente ang mga sakay ng motorsiklo at mas epektibo para makaiwas sa COVID-19.
Posible aniyang ang resulta ng mga nangyayaring aksidente ay dahil sa maling paglalagay ng barrier o dahil substandard material ang ginamit.