Pinapa-aksyunan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa Department of Transportation (DOTr) ang mga motorcycle taxi na namimili ng pasahero.
Ang pangangalampag ni Barbers sa DOTr ay makaraang makatanggap ang kaniyang opisina ng mga reklamo tungkol sa motorcycle taxis na tumatanggap lang ng booking sa pasahero na magbibigay ng tip.
Ngayong wala pang batas sa regulasyon ng motorcycle taxis ay iginiit ni Barbers sa DOTr na mas higpitan ang pagbabantay sa kanilang hanay.
Diin ni Barbers, ang nabanggit na gawain ng mga motorcycle taxi ay malinaw na pag-abuso na dapat ikonsidera ng Land Transportation Office sa ginagawang pilot study ukol sa operasyon ng motorcycle-based transportation network companies.
Bunsod nito ay iminungkahi rin ni Barbers na buksan sa iba pang motorcycle taxi company ang pilot test upang madagdagan ang riders at mas matugunan ang demand ng publiko.
Sa ngayon kasi ay tanging ang Angkas, JoyRide at Move It lang ang kasama sa pilot study para sa motorcycle taxis.