Mga motorista, hindi kailangang mag-panic kung wala pa silang RFID – DOTr

Hindi kailangang mag-panic ng mga motorista kung hindi pa sila nagpapakabit ng RFID tags sa kanilang mga sasakyan.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr) ang pagkakabit ng RFID stickers ay magpapatuloy kahit lumagpas sa December 1 initial deadlines, lalo na sa first-time toll users at sa mga mayroong bagong sasakyan.

Ang deadline ay itinakda para sa mga toll operators na sumunod sa kanilang Department Order No. 2020-12 kung saan nakamandato ang pagpapatupad ng full cashless toll collections sa mga expressways at major toll roads.


Bahagi rin ito ng hakbang ng pamahalaan na maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 at maiwasan ang pagsisikip ng trapiko sa mga toll plaza.

Ayon kay Toll Regulator Board (TRB) Executive Director Abraham Sales (SA-LES) na 100% na silang handa sa pagpapatupad ng sistema na may suporta at kooperasyon sa mga toll operators: ang Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC); at San Miguel Corporation.

Aabot na sa 3.2 million RFID tags ang naikabit na sa mga sasakyan at magpapatuloy ang mga toll operators sa pagdidikit ng nasa 30,000 stickers kada araw.

Ang MPTC at SMC ay nagbukas ng online appointment system para sa RFID installation at nagdagdag ng stickering lanes sa mga toll plaza.

Una nang nilinaw ni Transportation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran na walang mangyayaring hulihan ng mga motoristang wala pang RFID sa transition period mula December 1, 2020 hanggang January 11, 2021.

Ang pagkakabit ng RFID stickers ay bahagi ng Toll Interoperability project na isinusulong na ng DOTr mula pa noong 2017.

Facebook Comments