
Hinimok ng Department of Energy (DOE) ang publiko at mga motorista na magtipid sa konsumo ng langis.
Sa harap ito ng ipinatutupad na malakihang taas-presyo sa produktong petrolyo na posibleng hindi pa agad pe-preno dahil sa nagpapatuloy na tensiyon sa Gitnang Silangan.
Ayon sa Energy Department, ilan sa pwedeng maitulong ng mga motorista para makatipid ang carpooling, pagpatay sa sasakyan kung hindi naman umaandar, pag-check sa pressure ng gulong at regular na maintenance ng sasakyan.
Una nang inanunsiyo ng DOE na pumayag ang oil companies na gawing pautay-utay ang pagpapatupad ng taas-presyo sa petrolyo ngayong linggo.
Samantala, ngayong araw nakatakdang makipagpulong ang DOE sa bawat oil company para pag-usapan kung paano mapapagaan ang pasanin ng mga nasa mahihirap na sektor.
Matatandaang, tinalakay ni DOE Officer-in-charge Sharon Garin katuwang ang Department of Transportation (DOTr) at Department of Agriculture (DA) kung paano naman ang magiging sistema sa pagbibigay ng subsidiya para sa mga public utility vehicle driver at mga magsasaka sakaling tumaas pa ang presyo ng langis.









