Binigyang babala ng Public Order and Safety Division o POSD ang mga motorista sa lungsod ng Cauayan na ginagawang parkingan ang mga bangketa o sidewalk sa Siyudad.
Maaari lang umanong mag parada ang mga sasakyan sa gilid ng daanan kung ang mga ito ay magsasakay o magbababa lamang ng pasahero.
Ayon kay POSD Chief Retired Colonel Pilarito “Pitok” Mallillin, mahigpit na pinagbabawalan ang mga tricycle driver na nag-aabang ng pasahero sa gilid ng daan dahil hindi naman umano TODA ang sidewalk.
Sinabi nito na may mga designated parking areas sa Lungsod na nakalaan para sa mga tricycle drivers.
Kaugnay nito, patuloy pa rin ang ginagawang monitoring ng POSD sa mga pasaway na motorista na ginagawa pa ring paradahan ang mga sidewalk.
Ibinabala nito na ang mga mahuhuling lumalabag ay papatawan ng kaukulang multa at kung paulit-ulit namang lumalabag ay kukumpiskahin na ang lisensya.
Facebook Comments