Umaaray ngayon ang mga motorista sa Dagupan City dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na dulot pa rin ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Kasabay ng tumitinding kaguluhan sa Middle East at pagsasara ng Strait of Hormuz na pangunahing daanan para sa kalakalan ng langis, apektado ngayon ang suplay na nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas.
Isa sa mga apektado ang mga driver ng mga pampublikong sasakyan gaya ni Mang Luiz na umaaray na sa patuloy na pagmamahal ng presyo ng gasolina na nakakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na kita.
Sa pinakahuling ulat ay nasa ₱6.00 ang itinaas ng kada litro gasolina sa world market, ₱12.00 kada litro sa diesel, at ₱13.00 naman sa kerosene mula nang magsimula ang kaguluhan sa Middle East.
Hinimok naman ng Department of Energy (DOE) ang mga kompanya ng langis na hati-hatiin o i-stagger ang pagpapatupad ng nakaambang oil price hike upang hindi agad maramdaman ng publiko ang buong bigat ng dagdag-presyo.
Noong Martes, nagtaas na ng presyo ang ilang kumpanya ng langis ng ₱1.90 kada litro ng gasolina, ₱1.20 kada litro ng diesel, at ₱1.50 kada litro ng kerosene.
Sa usapin naman ng tigil pasada, ayon kay One Pangasinan Transport Federation President Bernard Tuliao ay nakatakda pang pag-usapan ng mga kooperatiba ng tsuper sa lalawigan ang mga nararapat nilang hakbang.
Kaugnay nito ay umapela rin si Tuliao sa pamahalaan ng karampatang aksyon upang maprotektahan hindi lamang ang mga motorista at tsuper ngunit gayundin ang mga komyuter.
Sa ngayon, habang inaasahan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa mga susunod pang linggo, ay kaniya-kaniya munang diskarte ang mga motorista para makatipid sa konsumo at sa gastusin sa produktong petrolyo. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







