Mahigpit na nakabantay sa mga motoristang pasaway na dumaraan sa EDSA ang mga tauhan ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Babala ito ng PNP-HPG sa mga motoristang hindi naman otorisado pero bumabiyahe ngayong isinailalim muli sa Modified Enhance Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Kanina, nagsagawa ng surpresang inspeksyon ang mga tauhan ng PNP-HPG sa ilang bahagi ng EDSA kung saan pinapara nila ang ilang mga sasakyan at hinahanapan ng ID at tinatanong kung para saan ang biyahe nila.
Ayon kay HPG-NCR Chief Police Col. Wilson Doromal, mahigpit ang direktiba sa kanila na tutukan ang kalsada.
Samantala, bukod sa mga pribadong sasakyan, tinitiyak din ng HPG na walang mga taxi, UV express at iba pang pampublikong sasakyan ang bumabiyahe sa mga lansangan.
Ito ay batay na rin sa guidelines na nakapaloob sa pagpapatupad ng MECQ.