
Hinimok ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ang mga motorista na kunin na nila ang kanilang mga plak sa Land Transportation Office (LTO).
Sa eksklusibong panayam ng DZXL-RMN Manila kay Rayson dela Torre, head ng SAICT Special Operations Group, sa isinasagawa nilang operasyon ay napansin nitong maraming motorista ang gumagamit ng improvised na plate number lalo na sa mga jeep.
Aniya, wala na raw dahilan para hindi gumamit ng tamang plaka ang mga motorista dahil inanunsiyo mismo ng LTO na wala ng backlog sa pag-iisyu ng plaka.
Pero paliwanag niya, pinagbibigyan naman nila ang mga motoristang mayroong dokumento na nagpapakita kung bakit improvised pa rin ang kanilang plaka.
Samantala, may panawagan naman ang SAICT sa mga pasaherong naaabala tuwing naglulunsad sila ng operasyon laban sa mga pasaway ng tsuper.








