Mga motoristang gumagamit ng mababang klase ng motorsiko, irerekomendang pagamitin ng half face helmet ng PNP-HGP

Manila, Philippines – Hihilingin ngayon ng Philippine National Police Highway Patrol Group o PNP HGP sa Kongreso na mabago ang nakapaloob sa ipinatutupad na helmet law.

Ayon kay PNP HPG Spokesperson Senior Inspector, Jem Delantes, nais nilang maidagdag sa batas ang pagsusuot ng half face helmet ng mga motor riders na gumagamit ng mababang klase ng motorsiklo o ang below 400 Cylinder Capacity upang mabawasan ang riding in tandem criminals.

Malimit daw kasing ginagamit ng mga riding in tandem criminals ang mga motorsiklong below 400 CC kaya nais nilang maiba ang style ng helmet upang madaling makilala sakaling gumawa ng krimen.


Habang ang mga gumagamit ng above 400 CC motorcycle ay irerekomenda nilang gumamit ng full face helmet.

Bukod dito hihilingin din ng PNP-HPG sa kongreso na maisabatas ang paglalagay rin ng plate number sa harap ng motorisklo.

Mas madali raw kasing matutukoy ang may ari ng motorsiklo kung nasa harap at likod na nakalagay ang plate numbers.

Sa huli, umaasa ang pamunuan ng PNP-HPG na matutupad ang kanilang mga kahilingan sa kongreso upang mas madali para sa kanila ang pagtukoy ng mga riding in tandem criminals na isa sa problema ng PNP.

Facebook Comments