Kung dati ang lahat lamang ng may sintomas at close contact sa taong may COVID-19 ang isinasailalim sa testing, ngayon lahat na ng tauhan ng MRT-3 ay dadaan sa RT-PCR test.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Usec. for Railways Timothy John Batan na kaya pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng MRT-3 simula ngayong araw ay para bigyang daan ang RT-PCR testing ng lahat ng kanilang empleyado.
Ayon kay Batan, maliban sa mga empleyado sasailalim din sa testing ang maintenance provider at subcontractors nito upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Matatandaang 186 na mga personnel ng MRT ang nagpositibo sa COVID-19, sa nasabing bilang, 17 dito ang station personnel habang 169 ang depot personnel.
Labing-isa (11) sa station personnel na nagpositibo ay pawang mga ticket seller, apat mula sa North Avenue, lima sa Cubao, isa sa Kamuning, isang reserved at isang nurse na nakatalaga sa Taft Avenue station, tatlong train drivers at dalawang control center personnel.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang DOTr sa Department of Health (DOH) para sa contact tracing.
Sa mga sumakay ng MRT nitong mga nakalipas na araw, lalo na sa North Avenue, Cubao, Kamuning at Taft Avenue station, pinapayuhang obserbahan ang sarili at kapag nakaramdam ng sintomas ay agad magpakonsulta sa doktor.