Mga multa sa driver’s license renewal at traffic violations sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Tino at Uwan, inalis ng LTO

Tinanggal ng Land Transportation Office (LTO) ang mga multa para sa mga transaksiyon ng driver’s license renewal at traffic apprehension cases sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Tino at Uwan.

Ayon sa LTO, ito ay bilang konsiderasyon sa work suspension sa mga government offices dahil sa pananalasa ng mga Bagyong Tino at Bagyong Uwan.

Inatasan na rin ni LTO chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang mga Regional Director, Assistant Regional Director, Regional Operations Division Chief at mga Chief of District/Extension Office nationwide na palawigin ang bisa ng lahat ng driver’s license na nag-expired noong Oktubre 30, 2025.

Dahil dito, walang ipapataw na multa o parusa ang LTO sa mga magre-renew ng lisensiya hanggang sa Nobyembre 28, 2025, bilang tulong ng ahensiya sa mga apektadong motorista ng dalawang magkasunod na kalamidad.

Bukod dito, nilinaw ng ahensya na lahat ng apprehension mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 12, 2025, ay hindi papatawan ng tatlumpung (30) araw na accessory penalty na suspensyong karaniwang ipinapataw sa mga hindi nakapagsumite ng bayad o hindi nakapag-ayos ng traffic violation sa loob ng labinlimang (15) araw mula sa petsa ng pag-isyu ng Temporary Operator’s Permit (TOP).

Mananatiling epektibo ang extension na ito hanggang Nobyembre 28, 2025, kaya hinihikayat ng LTO ang mga apektadong motorista na samantalahin ang pagkakataong ito at tiniyak sa publiko ang patuloy na pagbibigay ng konsiderasyon habang isinasagawa ang mga hakbang sa pagbangon ng mga rehiyong sinalanta ng mga bagyo.

Facebook Comments