Pabor lamang umano sa mga pulitiko at negosyanteng kamag-anak at kaibigan ng mga pulitiko ang mga itinayo at itatayo pang mga Motor Vehicle Inspection Stations (MVIS) sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas.
Ayon kay Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) President Atty. Ariel Inton, ang Department of Transportation (DOTr) na ang mismo nangunguna sa pagpatay sa mga Private Emission Testing Centers na kanilang binuo at nakatulong sa gobyerno sa loob ng mahigit isang dekada.
Paliwanag ni Atty. Inton, bukod dito aniya ay masyadong pahirap ito sa mga tsuper operator, driver at private vehicle owner dahil tataas ng hanggang 400-percent ang mahal na ibabayad sa private MVIS kumpara sa ngayon.
Dagdag pa ni Inton sa kasalukuyang sistema, ang dumadaan sa Private Emission Testing Centers ay mga pribadong sasakyan lang at ang mga pang-publiko ay sa MVIS kaya nagtataka si Atty. Inton kung bakit kailangang ibigay ito ng gubyerno sa mga pribadong negosyante.
Sabi ni Atty. Inton, ang privatization ng MVIS ay walang ibang ibig sabihin kundi ito ay killing fields ng lahat ng motoristang Pilipino.