
Magpa-Pasko at magbabagong-taon sa loob ng detention facility sa Senado ang mga na-contempt sa maanomalyang flood control projects na sina dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara, dating Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez, Engr. Jaypee Mendoza at ang contractor na si Curlee Discaya.
Sa panayam kay Senate President Tito Sotto III, sinabi niya na hangga’t hindi pa tapos ang Blue Ribbon hearing ay mananatiling nakapiit sa Senado ang mga dating opisyal ng Bulacan at si Discaya.
Ngunit ayon kay Sotto, kung maisyuhan sila ng warrant ay isu-surrender nila ang mga ito subalit kung wala ay mananatiling nakakulong ang mga ito sa Senado hanggang sa matapos ang committee report o ang Kongreso ngayon.
Sinabi ni Sotto na sa ngayon ay wala namang request mula sa mga pamilya ng mga naka-detain kung maaari silang makalabas ngayong Pasko.
Pabiro namang sinabi ni Sotto na mayroong Noche Buena para sa mga nakakulong sa Senado.









