Iginiit ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na mas masahol pa sa Pharmally controversy ang milyung-milyong doses ng mga bakuna ng COVID-19 na na-expired at hindi nagamit.
Kasabay nito ang pagsuporta ni Pimentel sa isinusulong na imbestigasyon ni Senator Risa Hontiveros, kaugnay sa mga nasayang na bakuna.
Ayon kay Pimentel, sa oras na mapatunayang may pagpapabaya at “in bad faith” ang pagpapasobra ng bakuna, babagsak ito sa krimen ng katiwalian.
Binigyang-diin ng senador na hindi naman nagkulang ang mga senador sa pagpapaalala sa posibleng pagsobra ng mga bakuna.
Nauna na ring inungkat sa mga pagdinig ng Senado na nagbigay ng donasyong bakuna ang iba’t ibang mga bansa, may libre rin mula sa COVAX Facility at nagkanya-kanya ring bili ng bakuna ang mga pribadong kompanya.
Sinasabing nasa ₱5 billion hanggang ₱13 billion ang halaga ng nasayang at na-expire na COVID-19 vaccines.