Manila, Philippines – Pinuna ni Deputy Speaker Sharon Garin ang mga pinagkukuhang empleyado ng Bureau of Customs.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Ways and Means kaugnay sa 6.4 Billion na nakumpiskang iligal na droga, nasita ni Garin si Atty. Althea Acas-Project Manager ng BOC, Capt. James Layug-Director ng Port Operations Services at Atty. Mandy Anderson ang Chief of Staff naman ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Giit ni Garin, naghire ang BOC ng mga baguhan at hindi qualified sa mga nasabing posisyon.
Tinanong ng mambabatas ang mga ito kung paano napunta sa BOC at kung ano ang mga trabaho noon bago napunta sa ahensya.
Bukod dito, sinita din ng kongresista kung paano noon pagalitan nila Acas at BOC Dir. Niel Estrella ang mga stakeholders noong inilalatag ang IRR ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Emosyonal namang sinagot ni Acas si Garin at nangatwiran na nais lamang nilang maisaayos agad ang paglalatag ng IRR sa nasabing batas.
Dismayado si Garin na pinagtrabahuan nilang mga mambabatas ang pagbuo sa CMTA na mauuwi lamang sa pangaabuso ng mga naitalaga ngayon sa Customs.
Sobra aniya ang kontrol na ibinigay sa mga ito na maaaring ikabagsak ng BOC.
Humarap din sa pagdinig ang caretaker ng warehouse na si Fidel Anoche Dee na bukod tanging naaresto at nakasuhan sa nakumpiskang bultu-bultong iligal na droga.