Mga na-hire on the spot sa ikinakasang Mega Job Fair sa Valenzuela, umabot ng higit 100

Umaabot na agad ng higit 100 aplikante ang na-hire on the spot sa isinasagawang Mega Job Fair sa WES Arena sa Valenzuela City.

Kabilang sa mga natanggap ay pawang mga fresh graduate at college level kung saan karamihan sa kanila ay magpapadala na lamang ng requirements.

Para hindi na rin mahirapan, maaari na rin silang lumapit sa one-stop-shop dito mismo sa isinasagawang Mega Job Fair para sa pre-employment tulad ng BIR, Pag-IBIG, PSA at PhilHealth.


Ayon naman kay Ms. Josephine “Ophie” Pascual, ang PESO Manager ng Valenzuela City, inaasahan nila na aabot ng 1,500 hanggang 2,000 na job seekers ang magtutungo dito sa job fair mula sa residente sa kanilang lungsod at maging sa kalapit na lugar o lalawigan.

Aniya, nagpapasalamat siya sa mga lumahok na mga kompanya at DZXL 558 Radyo Trabaho na katuwang ng kanilang tanggapan sa pagpapalaganap ng impormasyon sa mga programa at aktibidad na kanilang ginagawa.

Bukod sa Mega Job Fair, nagsasagawa rin ng pagbabakuna kontra COVID-19 ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela para sa mga job seeker.



Facebook Comments