MGA NAAPEKTUHAN NG BIRD FLU SA CAUAYAN CITY, MAKAKATANGGAP NG AYUDA

Cauayan City, Isabela- Bibigyan ng pamahalaan ng tulong ang mga poultry owners o may-ari ng backyard layers na apektado ng Avian Influenza o H5N1 Virus na tumama sa Lungsod ng Cauayan.

Ito ang inihayag ni Dr. Ronald Dalauidao, City Veterinarian ng Cauayan matapos na makapagtala ng kauna-unahang Bird flu ang Lungsod na naiulat sa barangay Marabulig dos kung saan tinatayang aabot sa halos limang daang piraso ng alagang hayop na may balahibo o feather na pagmamay-ari ng 28 households ang isinailalim sa culling o ibinaon sa lupa na nakuha malapit sa ground zero na posibleng carrier din ng avian flu.

Kabilang sa mga ibinaon sa lupa ng City Vet office at DA RO2 ay mga alagang manok, pato, ganso, kalapati at pugo.

Ayon pa kay Dr. Dalauidao, ang ibibigay na halagang tulong ng gobyerno ay depende sa klase ng inaalagaang manok ng apektado gaya ng panabong na babayaran lamang ng tig 150 pesos per head; 100 pesos per head sa native na manok, 60 pesos sa Broiler at 15 pesos per head naman sa pugo.

Bukod sa tulong na manggagaling sa National government ay inaasahan din na mag-aabot ng karagdagang tulong ang pamahalaang panlalawigan kung saan babayaran ng tig 200 pesos ang bawat poultry animal na namatay o ibinaon sa lupa.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng disinfection sa apektadong barangay ang mga kawani ng City Vet Office at matatapos ito sa darating na araw ng Linggo.

Ligtas pa naman umano sa Bird Flu ang mga ibinebentang karne ng manok sa pamilihan ng Cauayan maging ang mga inaalagaang manok sa iba pang mga barangay sa Cauayan City.

Payo naman ng City Veterinarian sa mga may alaga ring manok na kung nakaranas din ng biglaang pagkamatay ng mga manok o poultry animals ay ipaalam agad ito sa tanggapan City Vet para masuri at malaman din agad kung ano ang sakit na talagang sanhi ng pagkamatay.

Facebook Comments