Tiniyak ng pamunuan ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA na makatatanggap ng tulong ang mga naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Ito ang sinabi ni John Bertiz III, Deputy Director General ng TESDA sa Laging Handa public briefing.
Ayon kay Bertiz, umabot sa siyam na munisipalidad o halos 3,000 mga barangay ang naapektuhan ng oil spill na ngayon ay tinututukan ng kanilang ahensya para mabigyan ng ayuda.
Aniya, kamakailan lang ay may 8.5 milyon pisong pondo ang inaprubahan sa TESDA sa pangunguna ni TESDA Director General Danilo Cruz para pondo sa tinatawag na alternative livelihood training program.
Paliwanag ni Bertiz, binibigyan kasi nila ng alternatibong pagsasanay ang mga asawa at anak ng mga mangingisda katulad ng driving, small engine mechanic, bread and pastry making, cookery maging ang organic agriculture at farming.
Ginagawa aniya nila ito kasabay ng pakikipag-ugnayan sa Department of Labor and Employment o DOLE bilang sila ay attached agency ng ahensya.
Kapag sumailalim na aniya sa pagsasanay ng TESDA ang mga ito ay kanilang i assess kung mabibigyan ng national certificate na sa kalauna’y magagamit sa pagpasok sa trabaho.