Tumaas pa ang bilang ng mga indibidwal na apektado ng pinagsamang epekto ng Southwest Monsoon, Bagyong Butchoy at Carina.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw, nasa higit 1.3 milyon indibidwal ang naapektuhan ng sama ng panahon sa 1,596 barangay mula sa Regions 1, 2, 3, 5, 6, 7, 9, 10, 11, 12, CALABARZON, MIMAROPA, CARAGA, BARMM, CAR at NCR.
Mula sa nabanggit na bilang, 53,414 na pamilya o katumbas ng halos 212,000 indibidwal ang nananatili sa 820 mga evacuation centers habang ang nasa mahigit 675,000 katao ay mas piniling manatili sa kani-kanilang tahanan o makituloy sa kamag-anak.
Sa datos pa ng NDRRMC, 14 ang bilang ng mga nasawi, kung saan walo dito ang kumpirmado habang anim ang patuloy pang beneberipika.
Nakapagtala rin ang NDRRMC ng dalawang sugatan at dalawang nawawala.
Samantala, nasa P61 milyon na ang halaga ng tulong na naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektadong rehiyon.