Mga naaresto dahil sa paglabag sa gun ban, sumampa na sa 2,105 —PNP

Umaabot na sa 2,105 katao ang naaresto dahil sa paglabag sa umiiral na Commission on Elections o COMELEC gun ban.

Batay sa pinakahuling ulat ng Philippine National Police (PNP), kabilang sa naaresto ang 2,007 sibilyan, 36 security guards, ilang kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP at foreign nationals.

Sa isinagawang COMELEC checkpoints, nahuli ang 161 katao, habang 1,053 ang naaresto sa police response operations.

Samantala, 369 ang naaresto sa operasyon kontra ilegal na droga, 138 sa gun buy-bust at 384 sa iba pang law enforcement operations.

Nasabat din ang 2,198 na baril sa iba’t ibang operasyon.

Samantala, mayroon nang naitalang 12 validated election-related incidents ang PNP kung saan 10 ang itinuturing na violent.

Pinakamarami ay sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na may limang insidente.

Samantala, patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng PNP sa mga lumalabag sa gun ban bilang paghahanda sa nalalapit na 2025 midterm elections.

Paalala ng PNP, iiral ang gun ban hanggang June 11, 2025.

Facebook Comments