
Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) kung ang dalawang naarestong foreign nationals sa isinagawang gun buy-bust operation sa Pasay ay konektado sa mas malaking sindikato ng mga baril sa bansa.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., nagsasagawa na ng masusing balidasyon ang mga intelligence units ng PNP kung ang mga nasabing indibidwal ay parte ng malaking sindikato at kung sino pa ang mga kasabwat nila rito sa bansa.
Nabatid na naaresto ang dalawang foreign nationals na isang 39 na taong gulang na Chinese national at isang 33 taong gulang Taiwanese national sa isinagawang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)–Southern Metro Manila District Field Unit sa loob ng isang restaurant sa kahabaan J.W. Diokno Boulevard sa Pasay City nitong Pebrero 25.
Kung saan nakuha sa kanila ang isang 9mm revolver, 3 live 9mm ammunition, markadong buy-bust money, 2 cellphones, at isang pouch bag.
Ayon kay Nartatez, hindi papayagan ng PNP na gawing palaruan ng mga kriminal ang Pilipinas at kung sinuman ang lumabag sa batas ay asahang huhulihin ng PNP at kakaharap sa buong pwersa ng hustisya.










