Mga nabakunahan kahapon sa nagpapatuloy na malawakang bakunahan, wala pa sa isang milyon

Umabot lamang sa 992,629 na mga indibidwal ang nabakunahan ng pamahalaan sa ikalawang yugto ng Bayanihan, Bakunahan ng pamahalaan kahapon, December 22, 2021.

Ayon kay National Vaccination Operations Center (NVOC) Dr. Kezia Lorraine Rosario, ang numero ay mababa dahil na rin sa epekto ng Bagyong Odette.

Paliwanag nito, late nakakapagsumite ng datos ang mga apektadong Local Government Units dahil sa mahinang internet signal o connectivity.


Pero inaasahan aniya na sa mga susunod na araw ay tataas pa ang datos.

Sinabi pa ni Dr. Rosario na magmula noong December 15 hanggang kahapon, December 22, 2021, pumapalo na sa 6,404,622 ang kabuuang bakuna na naiturok sa ating mga kababayan.

Nasa 48,000 ang nabigyan ng booster shot at inaasahang tataas pa ang bilang na ito sa mga susunod na araw lalo na’t iniksian na ang interval sa pagbibigay ng booster shot.

Facebook Comments