Mga Naeendo ng Limang Buwan, Babayaran ng Kalahating Buwan na Sueldo

Tuguegarao City, Cagayan – Kalahating buwan na sueldo ang babayaran sa empleyadong hindi paabutin sa regularization sa kanyang ika-anim na buwan na pagtatrabaho.

Ito ang babalikatin ng employer na mahilig mag-endo batay sa HB 6908 na pumasa na 2nd reading sa Kamara de Representantes.

Ang impormasyong ito ay ibinahagi ni Cagayan 3rd District Congressman Randolph S Ting, Chairman ng House Committee on Labor and Employment sa panayam ng RMN News sa kanya.


Sa kasalukuyang kalakaran ay maraming mga negosyo ang umiiwas sa regularization ng kanilang empleyado upang umiwas sa pagbabayad ng mga mandatory contributions.

Dahil dito ay namomroblema ang mga naeendo sa kanilang gastusin sa muling pag-aaply sa bagong trabaho pagkatapos ng limang buwan dahil sa muling kakailanganing employment requirements.

Ang kalahating buwan na sueldo para sa maeendo ay magiging sapat para sa kanyang mga requirement sa kanyang sunod na aaplyang trabaho.

At magiging mas malaking gastusin ito sa employer kumpara sa pagkakaregular ng kanyang manggagawa.

Magugunita na naging isyu ito noong panahon ng halalan at naging paksa pa sa presidential debate noong 2016.

Ang ganitong sitwasyon ang siyang nagpapahirap sa mga manggagawa dahil sa wala silang kasiguruhan para sa pagkakaregular maski maayos ang kanilang paggampan sa trabaho.

Sa ilalim ng panukala ay hindi rin magiging madali ang pagkakaputol ng serbisyo ng isang manggagawa dahil kinakailanang ang “just cause”.

Ipinaliwanag pa ni Congressman Ting na ang pagkakapasa ng Security of Tenure Bill ay makasaysayan dahil sa nakalipas na 12 taon ay ngayon lamang lumusot sa pangalawang pagbasa ang isang panukala na kontra sa kada limang buwan na endo.

Bilang chairman ng komite ay kanyang ibinahagi ang mga naging hamon para sa pagsulong ng panukala dahil sa mga nag-uumpugang interes.

Mainam daw at sa pamamagitan ng consensus building, dayalogo at maayos na pagtalakay at ugnayan sa mga kapwa niya congressman ay umabante rin ito.

Kanya namang pinasalamatan si Pangulong Rodrigo Duterte dahil ang adbokasiya niya ang nagbigay inspirasyon sa kanya at mga kapwa niya mambabatas upang isulong ang panukala.

Gagawin ang 3rd reading sa susunod na linggo samantalang naghihintay na rin sa senado ang katumbas na panukala sa sponsorship ni Senador Joel Villanueva.

Maging ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ay pinuri ang pagkakapasa ng panukala sa 2nd reading kasabay ng pagkilala sa liderato ni Congressman Randy Ting bilang Committee Chairman na siyang nakatulong para maka abante ang panukalang ito.

Facebook Comments