Cauayan City, Isabela- Mahigpit pa rin na pinapaalalahanan ang mga nagsasakay ng angkas o back rider sa Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Esem Galiza, WCPD at PIO ng PNP Cauayan City, sinabi nito na tanging mga asawa, live-in partner o magkapartner na nagsasama sa iisang bubong ang pinapayagan sa angkas sa Lungsod ng Cauayan.
Kaugnay nito, bagamat pinapayagan na ang angkas para sa mga mag-asawa o mag-partner ay kiankailangan din sundin ang kautusan ng IATF na maglagay ng ‘barrier’.
Ibinahagi ni PCapt Galiza na mayroon nang mag-asawa ang nahuli ng mga apprehension team sa Lungsod dahil walang barrier o pagitan na inilagay sa motorsiklo.
Napansin din umano nila na wala pang sumusunod sa kautusan ng IATF na maglagay ng ‘barrier’ para sa pagitan ng angkas at drayber ng motorsiklo.
Ayon kay PCapt Galiza, kung dito lamang aniya sa Lungsod ng Cauayan ay kanilang ikinokonsidera ang plywood, backpack o iba pang bagay na maaaring ilagay sa gitna na magsisilbing ‘barrier’ sa pagitan ng backrider at drayber.
Hanggat maaari ay maglagay lamang ng saktong ‘barrier’ upang hindi aniya ito maging sanhi ng aksidente.
Bukod dito, huwag din aniyang kalimutan ang mga patunay para sa mga mag-aangkas gaya ng photo copy ng marriage certificate habang ang mga hindi pa ikinasal ay maaring kumuha ng certification mula sa barangay na pirmado ng Kapitan.
Magdala rin aniya ng Valid ID upang maberipika kung ang ipinakitang nasa marriage certificate ay tunay na mag-asawa.
Kanyang nilinaw na ang kanyang suhestiyon ay kinokonsidera lamang sa Lungsod ng Cauayan at hindi maaaring gawin sa ibang lugar.
Mas mainam pa rin aniya na kung bibiyahe sa ibang lugar ay sundin ang kautusan ng IATF upang makaiwas sa anumang aberya o paglabag sa mga protocols.
Samantala, mahigpit pa rin ipinagbabawal na bumiyahe ang mga nasa edad 20 pababa dahil hindi aniya mangingimi ang mga apprehension team na huhuliin ang mga lalabag dito maliban na lamang kung kinakailangan o may mahalagang gagawin sa labas.