
Wala raw balak ang grupong nagsagawa ng kilos-protesta kahapon na gibain ang gate ng opisina ng mga Discaya sa Pasig City.
Una nang sinabi ni Mayor Vico Sotto na huwag sanang idaan sa dahas ang mga isasagawang rally laban sa mga korap na opisyal ng pamahalaan.
Pero, sinabi ni Jona Yang mula sa grupong Agham na kalampag lang ang kanilang ginawa para tamaan ng kaba ang mga Discaya.
Sana aniya ay maunawaan ng alkalde na hindi sila makapagtimpi sa mga nangyayari lalo’t bilyon-bilyong piso ang kinurakot ng mga kontratista.
Marami rin umanong Pilipino ang naperwisyo dahil sa mga palpak na flood control projects at tinawag na circus ang imbestigasyon sa Senado dahil kurakot na ang nag-iimbestiga sa kapwa kurakot.
Hiling din ng grupo sa mga public officials na gaya ni Sotto na ayaw sa korupsyon na tiyakin na mapaparusahan ang lahat ng kontratista at pulitiko na nilustay ang pera ng sambayanan.
Samantala, sa ngayon ay tahimik ang compund ng mga Discaya at kahapon ay maraming pulis ang idineploy sa area.









