Manila, Philippines – Ipinamukha ng Palasyo ng Malacañang sa mga militanteng grupo partikular sa Kilusang Mayo Uno o KMU na nagsasagawa ngayon ng mga kilos protesta ngayong Labor Day na maraming nagawa ang administrasyong Duterte para suportahan ang mga manggagawa sa bansa.
Isinisisi kasi ng mga militanteng grupo ang administrasyon ang mga problema ngayon ng mga manggagawa sa bansa tulad ng kakulangan ng trabaho, paglala ng labor conditions at iba pa.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, ang mga anti-government activities na ginagawa ng mga militanteng grupo ay posibleng dahilan kung bakit hindi pumapasok sa bansa ang mga investors na magbibigay ng trabaho sa mga Pilipino.
Inisa-isa naman ni Panelo ang mga nagawa na ng administrasyon para tumulong sa mga manggagawa tulad ng Executive Order number 33 na nagtataas ng employment compensation funeral benefits sa public at private sector, nandyan din aniya ang EO 51 na layong protektahan ang karapatan sa security of tenure ng lahat ng manggagawa, EO 54 o ang pagtataas ng compensation benefits sa private sector at careers allowance sa public sector.
May mga batas din aniyang nilagdaan ang Pangulo na nagpapaganda ng lagay ng paggawa sa bansa tulad ng pagpapalakas ng occupational safety and health standards o Republic Act number 11058 , work from home law o republic act number 11165, pagpapalawig ng maternity leave o RA 11210 at iba pa.
Tiniyak din naman ni Panelo na tututukan ng administrasyon ang kapakanan ng mga manggagawa sa loob at labas ng bansa sa parehong pribado at pampublikong sector.