Mga nagawa ng Duterte admin sa sektor ng seguridad at pangkalikasan, ibinida

Ibinida ng Climate Change Adaptation Mitigation and Disaster Risk Reduction Cluster ang mga nagawa ng administrasyong Duterte upang maprotektahan ang kalikasan.

Sa ginanap na Pre-SONA Forum sa Davao kahapon, ipinagmalaki ni Environment Secretary Roy Cimatu – ang mga naging pagtugon ng gobyerno sa pangangailangan ng mga naapektuhan ng mga kalamidad kabilang na ang 600 million pesos na ayuda para sa mga biktima ng mga tumamang bagyo sa bansa.

Kasama rin dito ang 102 billion pesos na tulong sa ilalim ng Crop Insurance Protection Program para sa mga naapektuhan ng El Niño.


Hindi rin mawawala sa napagtagumpayan ang rehabilitasyon ng Manila Bay at Boracay, maging ang iba pang atraksyon sa bansa.

Sa hanay ng security, justice and peace cluster, ipinagmalaki ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang modernisasyon ng sandatahang lakas at pambansang pulisya sa pamamagitan ng mga bagong sandata kagamitan at pasilidad.

Kabilang na rito ang dagdag sahod at benepisyo sa mga pulis at sundalo.

Higit 41,000 na barangay na rin sa bansa ang nalinis mula sa ilegal na droga.

Ilan din sa achievements ay ang pagbabalik ng makasaysayang Balangiga Bells at pagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region.

Bagamat marami nang nagawa sa unang tatlong taon ni Pangulong Duterte, aminado ang mga gabinete na marami pa ang kailangang gawin upang maipagpatuloy ang magandang simulan.

Facebook Comments