Mga nagbabantay ngayong pandemya na may baril, pina-i-inventory ng isang kongresista
Pinaiimbentaryo ni National Defense and Security Vice Chair at Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon kung ilan sa mga itinalaga para sa pagbabantay ngayong may pandemya ang may baril.
Ang hirit ng kongresista ay kasunod na rin ng pagkasawi ng isang curfew violator matapos barilin ng isang tanod sa Tondo.
“But regardless of the outcome, it is strongly recommended to adopt and enforce a policy to take an inventory of who among those given assignments in the enforcement of pandemic control measures are licensed to own, possess, and carry firearms. This will enable accountability to be immediately ascertained.”
Inirekomenda ni Biazon partikular sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na magsagawa ng imbentaryo kung sino sa mga itinalaga na magpatupad ng pandemic control measures ang lisensyadong magmay-ari at magdala ng baril.
Makakatulong aniya ang hakbang na ito para kaagad matukoy ang responsable sa krimen sakaling maulit ang kahalintulad na insidente.
“Enforcement multipliers like barangay tanods are not fully trained on proper firearms use and discipline so in order to avoid incidents like this, carrying of firearms by non-police personnel even if licensed, should not be allowed during imposition of quarantine.”
Pero kahit aniya lisensyado ay hindi dapat payagang magdala ng baril ang mga non-police personnel sa pagpapatupad ng quarantine dahil ang mga ito ay wala namang tamang pagsasanay.
Paalala ni Biazon, ang pandemic control measures ay nangangahulugan ng pakikitungo sa general population at hindi sa mga kriminal.
“Pandemic control measures mean dealing with the general population, not criminals. There is a strong likelihood that there will be a violation of curfew, mask-wearing, and other pandemic measures by citizens, but these do not require the use of deadly force.”
Asahan na aniya dapat ng mga nagbabantay tulad ng mga tanod na mayroon talagang pasaway sa curfew, pagsusuot ng mask at iba pang paglabag sa pandemic measures pero hindi nangangahulugan na dapat nang gumamit ng “deadly force” tulad ng baril para madisiplina ang mga tao.