Umaasa ang ilang mga tindero ng baboy, manok at itlog sa Divisoria na wala nang magiging pagtaas ng halaga ng kanilang produkto pagsapit ng panahon ng kapaskuhan.
Nabatid kasi na bahagyang tumaas ang presyo ng kada kilo ng laman ng baboy, manok at itlog.
Ang dating P270.00 kada kilo ng baboy ay ibinebenta na sa halagang P280.00 habang umaabot na sa P320.00 ang kada kilo ng liempo.
Ang manok naman ay pumapalo sa P140 hanggang P150.00 na dati ay nasa halagang P120 hanggang P130.00 kada kilo.
Pumalo naman sa P10 hanggang P20.00 ang nadagdag sa halaga ng kada tray ng itlog na ngayon ay nasa P230.00 hanggang P250 ang presyo kung saan makakabili naman ng anim na piraso ng itlog sa halagang P50.00.
Iginiit ng mga nagbebenta ng itlog sa Divisoria na kaya nagmamahal ang itlog ay dahil sa iniipit daw ng mga supplier ang paged-deliver nito.
Paliwanag pa nila, hindi naman na naniningil ng pass thru fees kaya’t dapat ay maging stable na ang presyo nito dahil kung patuloy na tataas ay baka wala na silang kikitain pagsapit ng panahon ng kapaskuhan.