Isinulong ni Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas ang libreng COVID-19 testing para sa lahat ng mga jobseeker o aplikante sa trabaho at mga manggagawa sa micro, small and medium enterprises o MSMEs at sa informal sector.
Sa inihain na House Bill 1980 o panukalang Free COVID-19 Testing to Promote Labor Act ay binigyang diin ni Vargas na paraan din ito para maisulong ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa at matiyak ang pagpapatuloy ng mga negosyo.
Sabi ni Vargas, maraming employers tulad sa pribadong sektor ang humihingi sa mga aplikante o kawani ng negatibong resulta ng COVID-19 test partikular ng RT-PCR.
Pero ayon kay Vargas, wala namang pantustos dito ang mga nawalan o natanggal sa trabaho noong kasagsagan ng pandemya gayundin ang mga minimum wage earner at may mga kakarampot na sahod.
Sakaling maging batas ay ikakarga muna sa muna sa pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang inisyal na implementasyon nito at sa mga susunod na taon ay isasama na ito sa taunang pambansang budget.